Buwan ng Wika at wastong gamit ng mga salita



Ipinagdiriwang ngayong Agosto ang Buwan ng Wika bilang paggunita sa kaarawan ni Manuel L. Quezon, dating pangulo ng Pilipinas at tinguriang Ama ng Wikang Pambansa. Sa ilalim ng pamahalaang Quezon, naideklara ang pagkakaroon ng pambansang wika.

Marahil iniisip nating bihasa na tayo sa pananalita gamit ang ating sariling wika. Araw-araw ay ginagamit natin ang wikang Filipino sa pakikipag-usap sa ating mga kaibigan, kapamilya, katrabaho, at sa kahit sino mang makakahalubilo.  Ngunit, nakasisigurado nga ba tayong wasto ang mga salitang gamit natin sa pakikipag-usap at pagsusulat?


                Narito ang ilang mga salita na madalas nating gamitin at ang tamang paggamit sa mga ito:


1.       NANG/ NG


                “NG” (of)- ginagamit kapag ang sumunod na salita ay pangngalan (noun)
“NANG” – ginagamit naman kapag ang mga kasunod na salita ay pang-abay (adverb); maaari ring gamitin kung ang kasunod ay tumutukoy sa  bunga

Halimbawa:

·         May dalawang linya NG tren (LRT 2 at MRT) na  matatagpuan sa Araneta Center.
·         Pabukas pa lang ang Gateway Mall NANG dumating siya.
·         Huwag kang sumugod sa ulan NANG hindi ka magkasakit.

2.       DAW/ RAW at DIN/ RIN

“DAW”/ “DIN” – ginagamit kung ang salitang sinusundan nito ay nagtatapos sa katinig (consonant letters)

“RAW”/ “RIN” – ginagamit naman kung ang salitang sinusundan ay nagtatapos sa patinig (vowel letters) o mga letrang malapatinig (w at y)

Halimbawa:

·         Dapat DAW patayin o ilagay sa “Silent Mode” ang cellphone kapag nasa loob ng sinehan. Bawal DIN daw makipag-usap sa katabi kapag nagsimula na ang pelikula.
·         Linggo-linggo RAW namamalengke sa Farmers Market ang kanyang nanay. Dito RIN daw namimili ang kanilang kapitbahay dahil sariwa ang mga paninda.  


3.       DAHIL SA/ DAHILAN

“DAHIL” – ginagamit bilang pangatnig na pananhi
“DAHILAN”  - ginagamit naman bilang pangngalan

Halimbawa:
·         Maraming tao ngayon sa mga mall ng Araneta Center DAHIL sa Rainy Day Sale.
·         Ang pagkain nang marami ang DAHILAN ng pagsakit ng tiyan niya.


4.       PINTO/ PINTUAN

“PINTO” (door)  bagay na inilalapat sa isang lagusan para maisara o hindi mapasukan
“PINTUAN” (doorway)  kinalalagyan ng pinto; pasukan o lagusan
               
                Halimbawa:
·         Nakadikit sa PINTO ng kanyang kuwarto ang mga poster ng paborito niyang banda.
·         May nakaipit pala sa PINTUAN kaya hindi masara ang pinto.


5.       HAGDAN/ HAGDANAN

“HAGDAN” (stairs)  mga baytang na inaakyatan o binababaan
“HAGDANAN” (stairways) – bahaging kinalalagyan ng hagdan

                Halimbawa:
·          Muntik na siyang madulas dahil sa tubig na natapon sa may HAGDAN.
·         Nasa tabi ng kanyang kuwarto ang HAGDANAN papunta sa ikatlong palapag.

Comments